Martes, Hunyo 28, 2016


BAYANIHAN sa ISABELA

Isa sa nagpapayaman at nagpapayabong sa isang pamayanan o komyunidad ay ang knilang kultura. Ang mga kulturang ito na nagmula pa sa kanilang mga ninuno ay patuloy na isinasabuhay upang ito ay hindi mawala at makalimutan ng tuluyan. Ang mga iba-ibang kultura ay isang mahalagang elemento sa pag-unlad ng isang lugar.

DANGGAYAN FESTIVAL

"Danggayan"- terminong ilocano na nangangahulugang pagkakaisa, pakikilahok, at pagtutulungan.

Ang kultura na maibabahagi ko sa aming lugar na tinawag na Isabela partikular sa bayan ng Quezon ay ang bayanihan. Ang bayanihan ay ang pagtulong at pagsuporta sa kapwa na nangangailangan ng walang hinihinging kapalit. Ang kultura naming ito ay mas mapapansin sa mga araw ng selebrasyon tulad ng kasal, kaarawan, mga annibersayo,panahon ng anihan atbp.


Bayanihan sa Kasalan

Kapag may kasalan lahat ng tao sa pamayanan ay alam ito at hindi na kailangang mag-imbita sapagkat lahat ay imbitado sa pagsasalo. Ang mga kalalakihan ay tutulong sa pagkatay at pagluto ng mga baboy, baka, mga manok at kung ano pang ihahanda sa kasalan. Samantalang ang mga kababaihan naman ay tutulong sa paghahanda ng lugar, paghahain ng mga pagkain at paghuhugas na rin ng mga pinggan. Hindi lamang tulong sa mga trabaho ang matatanggap ng kinasal ngunit pati na rin ang tulong pinansyal sapagkat kasali rin sa aming kultura ang pagbibigay ng pera sa mga bagong kasal sa pamamagitan ng pag”request” ng mga bisita kanta na ang kapalit ay pera. Ang perang maiipon ay mapupunta sa bagong kasal upang magamit nila sa kanilang buhay bilang bagong mag-asawa. Bilang pasasalamat ng mga pamilya ng kinasal ang mga natirang pagkain sa handaan ay ipapamigay nila sa mga tumulong kasabay ang kanilang matatamis na ngiti ng pasasalamat.


Bayahihan sa Araw ng Kaarawan

Tulad din sa kasalan tumutulong rin ang mga tao sa paghahanda ng mga pagkain at ng mga laro tulad ng palo-sebo para sa mga bata. Kapag may kulang sa mga kagamitan marami ring gustong magpahiram. Hindi rin uso ang bigayan ng mga mahal na kagamitan bagkus mga pagkain na kung anong meron sa kanila na maari nilang maibahagi sa may kaarawan tulad ng bigas, mga prutas, o mga gulay ang kanilang ibinibigay. Malimit lamang ang magarbong handaan kapag may kaarawan ang madalas ay konting salo-salo lamang ng pamilya pagkatapos ay magbibigay na lamang sila sa mga kapitbahay kung ano man ang meron na naihanda.


Bayanihan sa Pagluluksa


Kapag may namatay sa pamayanan, lahat ay makikiluksa sa namatayan. Sapagkat ang pagluluksa ay nagtatagal ng ilang araw bago ang libing, ang mga tao ay salitan sa pagtulong sa mga namatayan. Kabilang sa mga tulong na ibinibigay ng mga tao ay ang pagtulong sa paghahanda at paghahain ng mga pagkain, paggabay sa mga dumarating na bisita, paghuhugas ng mga pinggan, at pakikiramay sa pagluluksa sa pamamagitan ng pagsama sa mga namatayan umaga man o gabi.